Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Gabriela. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Gabriela. Ipakita ang lahat ng mga post

Pebrero 23, 2012

PINAL NA DESISYON NG KORTE SUPREMA SA PAMAMAHAGI NG LUPA NG HACIENDA LUISITA, HINILING NG KABABAIHAN

NEWS RELEASE

22 Pebrero 2012

Reference: LANA LINABAN, Secretary General (0908 8653582) / Public Info Dept (3712302)

Sa gitna ng mga maniobra at desperadong hakbang ng pamilya Cojuangco-Aquino:

PINAL NA DESISYON NG KORTE SUPREMA SA PAMAMAHAGI NG LUPA NG HACIENDA LUISITA, HINILING NG KABABAIHAN

Dumulog sa Korte Suprema ang kababaihan ng GABRIELA, kasama ang Bagong Alyansang Makabayan at mga alyadong organisasyon nito, upang hilingin na ibasura ang motion for reconsideration ng pamilya Cojuangco-Aquino kaugnay ng desisyon ng Korte na ipamahagi ang lupain ng Hacienda Luisita sa mga magsasaka at manggagawang bukid.

Ayon kay Lana Linaban, Secretary General ng GABRIELA, habang tumatagal ang pagpipinal ng desisyon ay maaari pang gumawa ng iba’t ibang paraan ang pamilya ni Pangulong Noynoy Aquino upang bawiin ng korte ang naunang desisyon, kabilang na nga rito ang pagtugis na ginagagawa ng Pangulo kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona. “Malinaw na sinasakyan ni Aquino angimpeachment trial kay Corona sa motibong maghiganti dahil sa desisyon ng Korte Suprema ukol sa Hacienda Luisita. Kaya’t marapat lang na mas igiit sa korte ang pagpinal ng kanilang desisyon at biguin ang mga banta at maniobra ng pamilya Cojuangco-Aquino at ng administrasyong Aquino.”

Inihayag ng GABRIELA at iba pang organisasyon ang kanilang panawagan sa pamamagitan ng picket-dialogue sa Korte Suprema ngayong araw. Nagbigay sila ng liham sa korte na naglalaman ng kanilang kahilingan na ipinal ang desisyon nito hinggil sa libre at walang kondisyong pamamahagi ng lupa sa mga benepisyaryo at biguin ang mga maniobra ng pamilya Cojuangco-Aquino para gawing kumplikado at pabor sa kanila ang pamamahagi. Gayundin, muling hiniling ng grupo na ideklarang unconstitutionalang Stock Distribution Option, na anila’y iskemang naging salalayan para magawa ng mga panginoong maylupa ang pandarambong sa balangkas ng huwad na repormang agraryo.

Kasabay nito ay kinondena rin ng grupo ang pagpapaputok ng baril at pananakot ng mga guwardiya ng korporasyong RCBC sa mga magsasaka sa hacienda noong nakaraang araw habang nagsasagawa ang mga ito ng protesta kaugnay ng pagbabakod sa lupang ibinenta ng mga Cojuangco-Aquino sa nasabing korporasyon.

Patuloy na maglulunsad ang GABRIELA ng mga aktibidad para suportahan ang laban ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita, kabilang na ang pinaghahandang martsa-rali ng kababaihan at pamilya sa nalalapit na paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Marso 8. ###

photo by Anakpawis Partylist

ISA PANG BIKTIMA NG GANG RAPE NG SUNDALO, IDINULOG SA GABRIELA

Isa na namang kaso ng gang rape ng mga sundalo ang inilapit sa GABRIELA ng mga kamag-anak ng biktima. Sa pagkakataong ito, ang biktima ay isang 17 taong gulang na babae at ang panghahalay ay naganap sa kampo ng 16th IB Phil Army sa Baras, Rizal. Ang biktima ay kasalukuyang nasa National Center for Mental Health kung saan siya dinala matapos lubhang maapektuhan ang pag-iisip ng mga pangyayari.

“Mariing kinokondena ng GABRIELA ang isa na naman patunay ng kahayupan ng mga militar sa kababaihan,” ani Lana Linaban, Secretary General ng GABRIELA. “Hinding hindi dapat makaligtas sa parusa ang mga sundalong ito sa pagwasak ng pagkatao at pagsira sa kinabukasan ng isang menor de edad.”

Ayon sa pamilya ng biktima, ang insidente ay naganap noon pang Oktubre 16, 2011 sa okasyon ng pagdiriwang ng anibersaryo ng 16th IBPA. Ang biktima, kasama ang dalawa pang menor de edad, ay inimbita ng mga sundalo sa loob ng kampo. Ayon sa mga kasama ng biktima, sila ay pinakain ng cake at pinainom ng tubig na siyang diumano’y dahilan upang sila ay mahilo at makatulog. Naisalaysay pa ng biktima na pinaghihipuan siya ng mga sundalo at diumano’y dinaganan bago tuluyang nawala sa tamang pag-iisip epekto ng insidente.

“Marapat lamang na panagutin ang Armed Forces of the Philippines sa mga paglabag ng karapatang pantao at sekswal na pang-aabuso na ginagawa ng mga tauhan nito. Marapat lamang na ilitaw nito ang mga sundalong salarin at papanagutin ang mga ito upang mabigyan ng hustisya ang biktima. Gaya ng suportang inihayag ng aming grupo sa 21 anyos na biktima ng gang rape ng sundalo sa Masbate, makakaasa ang pamilya ng biktima ng mga sundalo sa Rizal sa aming tulong at suporta,” pagwawakas ni Linaban.###


NEWS RELEASE

21 PEBRERO 2012

REFERENCE: LANA LINABAN, Secretary General (0908 8653582) / Public Info Dept (3712302)