Isa na namang kaso ng gang rape ng mga sundalo ang inilapit sa GABRIELA ng mga kamag-anak ng biktima. Sa pagkakataong ito, ang biktima ay isang 17 taong gulang na babae at ang panghahalay ay naganap sa kampo ng 16th IB Phil Army sa Baras, Rizal. Ang biktima ay kasalukuyang nasa National Center for Mental Health kung saan siya dinala matapos lubhang maapektuhan ang pag-iisip ng mga pangyayari.
“Mariing kinokondena ng GABRIELA ang isa na naman patunay ng kahayupan ng mga militar sa kababaihan,” ani Lana Linaban, Secretary General ng GABRIELA. “Hinding hindi dapat makaligtas sa parusa ang mga sundalong ito sa pagwasak ng pagkatao at pagsira sa kinabukasan ng isang menor de edad.”
Ayon sa pamilya ng biktima, ang insidente ay naganap noon pang Oktubre 16, 2011 sa okasyon ng pagdiriwang ng anibersaryo ng 16th IBPA. Ang biktima, kasama ang dalawa pang menor de edad, ay inimbita ng mga sundalo sa loob ng kampo. Ayon sa mga kasama ng biktima, sila ay pinakain ng cake at pinainom ng tubig na siyang diumano’y dahilan upang sila ay mahilo at makatulog. Naisalaysay pa ng biktima na pinaghihipuan siya ng mga sundalo at diumano’y dinaganan bago tuluyang nawala sa tamang pag-iisip epekto ng insidente.
“Marapat lamang na panagutin ang Armed Forces of the Philippines sa mga paglabag ng karapatang pantao at sekswal na pang-aabuso na ginagawa ng mga tauhan nito. Marapat lamang na ilitaw nito ang mga sundalong salarin at papanagutin ang mga ito upang mabigyan ng hustisya ang biktima. Gaya ng suportang inihayag ng aming grupo sa 21 anyos na biktima ng gang rape ng sundalo sa Masbate, makakaasa ang pamilya ng biktima ng mga sundalo sa Rizal sa aming tulong at suporta,” pagwawakas ni Linaban.###
NEWS RELEASE
21 PEBRERO 2012
REFERENCE: LANA LINABAN, Secretary General (0908 8653582) / Public Info Dept (3712302)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento