Pebrero 14, 2012

Presyo kontrolin, EVAT tanggalin!

Petisyon para pababain ang presyo ng langis, bilihin at bayarin

Hindi maawat ang bigwas ng mataas na presyo ng langis, mga pangunahing bilihin at bayarin. Sa pagbungad pa lamang ng 2012, apat na beses tumaas ang dati nang mataas na presyo ng langis. Nagtaasan din ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) at iba pang mga produktong karaniwang kinokonsumo ng mga pamilya gaya ng sardinas, galunggong, at iba pa. Konsumisyon at altapresyon ang epekto nito sa mga gipit na konsyumer!

Hindi na makaagapay ang mamamayan sa tindi ng pagtaas ng presyo, lalo’t hindi naman nadaragdagan ang sahod at patuloy ring dumarami ang bilang ng mga di-regular ang trabaho. Hindi na makahinga sa higpit ng sinturon ang karaniwang pamilyang Pilipino habang patuloy naman ang pag pagkabundat sa tubo ng mga malalaking kumpanya at mga kartel dahil sa ipinapataw na mataas na presyo!

Matagal nang binabalikat ng mamamayan ang mataas na presyo ng langis, mga pangunahing bilihin at bayarin. Ayon sa mga pag-aaral, ang Pilipinas ay isa sa mga bansa sa Asya, kung hindi man sa buong daigdig, na may pinakamataas na presyo ng langis, kuryente at iba pang consumer products. Dahil rito, kabilang ang mamamayang Pilipino sa pinakamahihirap na mamamayan sa daigdig, patuloy na pumapasan sa hirap na dulot ng mataas na presyo ng mga bilhin at bayarin.

Epekto ng mga maling patakaran ng gobyerno ang mataas na presyo ng mga bilihin. Dahil sa Oil Deregulation Law, malayang nakakapagtaas ng presyo ng langis ang mga malalaking kumpanya, habang (hindi lang kasi asta, talagang inutil) inutil sa harap nito ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Energy. Dahil sa patakarang pribatisasyon ng gobyerno, tulad ng pribatisasyon ng serbisyong kuryente sa ilalim ng Electric Power Reform Act (EPIRA), hinahayaan na sa kamay ng mga malalaking pribadong kumpanya ang paghahatid at pagtakda ng presyo ng mga pampublikong yutilidad na ginagamit ng lahat ng mamamayan. Malala pa, sapin-saping pahirap sa mamamayan ang dulot ng ipinapataw na 12% buwis sa anyo ng EVAT sa langis, mga pangunahing bilihin at bayarin, samantalang hindi naman bumabalik sa anyo ng serbisyo.

Iisa ang sigaw ng mamamayan sa harap ng ganitong kalagayan: Tama na, sobra na, wakasan na ang pahirap na dulot ng mataas na presyo! Ngayon na ang panahon para kumilos tayo at itulak ang gobyerno na sawatahin ang mataas na presyo! Panahon na para obligahin na makinig at umaksyon ang mga nakaluklok sa gobyerno—lalo na ang mga opisyal ng gobyerno na inihalal ng mamamyan sa puwesto—para unahin ang interes ng n mamamyan at tugunan ang matagal nang kahilingang kontrolin at ibaba ang presyo ng mga bilihin at bayarin.

Sa gitna ng matinding hagupit ng mataas na presyo, kaming mga konsyumer at mamamayan na lumagda sa petisyong ito ay nagkakaisa sa panawagang :

Ibaba ang presyo ng langis, bilihin at bayarin, tanggalin ang EVAT!

Itigil ang pagtaas ng presyo sa langis, ibasura ang Oil deregulation Law!

Itigil ang pagtaas ng singil sa kuryente, ibasura ang EPIRA!

[Your name]


http://www.change.org/petitions/altapresyon-alerto-sa-taas-presyo-network#

Bisitahin ang link para maka pirma online.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento