Kung anu - ano na ang itinawag sa mga subject para patinuin daw ang kabataan. Paghahanda iyon sa kanilang pag - tanda.
Hindi ako masyadong sigurado sa mga tawag, baka napalitan na ang kurikulum na ginagamit. Nuong Elementary ako ang tawag ay GMRC, nuong high school home room bukod pa sa cub scout, girl scout, PMT/CAT, at ROTC sa college.
May kapilyahan ako kaya malamang mababa ang grado ko sa mga nasabing subject at hindi ako interesadong mag military training sa school kahit na sabihin pa nilang iniimprove daw niyon ang maraming magagandang katangian. Sabi ni Ninong (pulis sya) dapat daw ay nag ROTC ako nuong college, para daw madisiplina ako. Ang iniisip ko noon anong disiplina ang ituturo sa akin ng maghapong pagbibilad sa araw. Lalo lamang akong iitim at mag aamoy pawis. Sa isip - isip ko ngayon buti na lamang at hindi. Nuong PMT namin puro pagbibilad lang sa araw, naghihimatay - himatayan ako para makatakas o di naman kaya ay nagkukunwaring hinihika. Kung anu - ano pang mga kabisaduhin ang Alpabetong pinahaba. Pinahihirap lang nila ang mga simpleng bagay. Bakit ko pahihirapan ang sarili ko kung may mas madaling paraan naman?
Nuong Lunes, nagbyahe ako mula sa probinsya namin pabalik ng Maynila. May ilang taon na rin akong bumabyaheng mag - isa. Napaka common lang ng napapansin ko, hindi na pinauupo ang matatanda sa mga bus. Que sejodang mag - tumbalelong sila, mahirapang kumapit sa hawakan, o mangalay sa katatayo. Hindi ko natitiis yon, ayoko rin naman kung ang lola ang malagay sa ganong sitwasyon kaya hindi namin sya pinababyahe sa mga pampublikong sasakyan, kaya pinauupo ko ang mga matatanda kahit malayo pa talaga ako sa bababaan.
Ang talagang kinainis ko nitong lunes, ang katabi ko ay pulis nakita ko ang I.D. nya, sa kabila ay dalawang malaking mama na mga naka military cut mukang sundalo. Pareho silang humingi ng diskwento sa kunduktor kaya nakumpirma kong militar ang dalawa sa kabila. Sa isip - isip ko ang kakapal ng mga kara. Ang lalaki ng mga katawan hindi makuhang magsakripisyo ng bagya para paupuin ang matanda.
Paano nalang ang "Serve and Protect" na motto nila? Sayang ang CAT/PMT, sayang ang ROTC, sayang ang PNPA at PMA para i-train sila, nakalimutan yata nila ang GMRC. Buti pa ang bata alam na dapat paupuin ang matanda sa mga pampublikong sasakyan, dapat silang tulungang tumawid sa daan. Mga simpleng bagay na dapat sana'y alam nila.
Parang pangongolekta nalang ng pribelehiyo ng serbisyo militar ang ginagawa ng mga buwitreng ito. Sayang nga naman ang sampung porsyentong mga diskwento. Ang hindi nila nakikita inilalagay nila sa kahiya hiya ang institusyong kinabibilangan nila, sampu ng mga pulpol sa loob ng sandatahang lakas ng Pilipinas.
Tunay nga na dapat lang na Pangambahan ko ang kinabukasan. Kung ang mga taong dapat ay nangangalaga sa kaayusan ng ating lipunan, nakakalimot na sa simpleng pagpapakita ng kagandahang asal. Paano na lamang ang kinabukasan kung ang mga dapat na kinakikitaan ng mataas na disiplina ay walang sariling kusa?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento